Nais
ipaalam ng Philippine Consulate General sa Hong Kong SAR ang
nakababahalang situwasyon sa kasalukuyan na dalawampu’t dalawang (22)
Pilipino na ang nasasangkot sa krimeng pagpuslit ng illegal na droga
(drug smuggling o trafficking) dito sa Hong Kong.
Ang mga
nasabing Pilipino ay nahuling may bitbit o may dalang ipinagbabawal na
gamot gaya ng shabu, heroine o cocaine na nakatahi sa mga gilid ng
maleta, o nakatago sa libro at butones ng damit, o sa tiyan at
maseselang parte ng katawan ng mga kababaihan. Ang mga Pilipinong ito
ay kasalukuyang nakapiit sa iba’t ibang piitan dito sa Hong Kong. May
nasentensiyahan na ng labing anim na taon (16 years) at walong taong (8
years) pagkakabilanggo. Ang iba pang mga Pilipino na nahaharap sa kasong
drug trafficking ay kasalukuyang linilitis pa sa korte.
Base sa
inpormasyon na ibinigay ng pamahalaan ng Hong Kong, ang mga Pilipinong
nahuli na nagpuslit ng ipinagbabawal na gamot ay nagmula pa sa mga
bansang Brazil, Thailand, Pakistan, India, Nigeria, Vietnam, Philippines
at Malaysia. Ang mga ipinagbabawal na gamot na ito ay patungong China at
ginamit lang ang Hong Kong na“transit point”.
Sa
pagsisiyasat ng Konsulado sa mga naturang Pilipino, napag-alaman na ang
mga ito ay biktima ng panloloko ng mga dayuhang kadalasang kasabwat din
ng mga Pilipino na nagkukunwaring tutulong para magtrabaho sila sa ibang
bansa. Hinihimok sila ng kanilang amo o kakilala, gamit ang iba’t ibang
pamamaraan ng panlilinlang, sang-ayon man o lingid sa kanilang kaalaman,
kapalit ng halaga mula US$300 hanggang US$2,000. Ayon sa ulat ng mga
nahuling Pilipino, ang pasimuno o utak ng krimeng ito ay kalimitang mga
taga Africa.
Dahil sa
mga bagong teknolohiya sa paliparan ng Hong Kong, ang nasabing mga droga
ay hindi maaaring maikubli sa mga may kapangyarihan. Ito ay nasasala at
ang mga sangkot ay nahuhuli at pinapatawan ng angkop na kaparusahan.
Ayon sa Ordinansa ng Hong Kong ukol sa pagpupuslit ng illegal na droga,
Cap. 134, Sec. 4 ng Dangerous Drugs Ordinance ng Hong Kong, ang sinumang
mahulihan ng illegal na droga ay maaaring makulong ng hanggang
dalawampu’t apat na taon (24 years).
Dahil
dito, ibig payuhan ng Konsulado ang lahat na mga Pilipino na nagbabalak
pumuntang Hong Kong, ito man ay pinal na destinasyon o transit lamang,
na pag-ibayuhin ang pag-iingat at huwag masangkot sa nasabing krimen.
Kung mayroon kayong dagdag na katanungan hingil sa
nasabing balita, mag-text sa numero bilang (+852) 9155-4023 o tumawag sa
telepono bilang (852) 2823-8510 o 2823 -8505 o magpadala ng email sa
hongkongpc@philcongen-hk.com.