HKPCG-PR-20-2010

Babala tunkol sa EV71 at HFMD

18 July 2010

Ayon sa Department of Health ng Hong Kong, nakatanggap sila ng ulat ng isang kaso ng enterovirus 71 (EV71) at tatlong kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) outbreaks sa mga paaralan sa Wan Chai, Yau Tsim Mong, Tsuen Wan, Tuen Mun, Eastern, Kowloon City, Kwai Tsing, Sha Tin, Yuen Long, Sham Shui Po, Kwai Tsing at mga distrito sa Sai Kung, sa loob ng 24-oras na panahon na nagtapos noong katanghalian ng ika-14 ng Hulyo.

Sa kabuoan, mayroon nang naiulat na 568 na HFMD institutional outbreaks, habang 73 na ang bilang ng mga nabiktima ng EV71 ngayong taon.

Kasama sa mga posibleng simptomas ng EV71 at HFMD ang lagnat, pamamantal, panlalamig, pagkahilo, sakit ng ulo, at pagkasira ng tiyan.

Dahil wala pang idinedeklarang pagsara ng mga paaralan dulot ng paglaganap ng HFMD, hinihikayat ng Konsulado Heneral ng Pilipinas ang ating mga kababayan na sundin ang mga sumusunod na hakbang upang maiwasang mahawaan ng EV71 at HFMD:

  • Siguraduhing may magandang sirkulasyon ng hangin;
  • palaging maghugas ng kamay bago kumain at pagkatapos bumahing, gumamit ng palikuran o kung humawak ng diaper;
  • takpan ang ilong at bibig kapag bumabahing o umuubo;
  • linisin ang mga laruan ng mga bata at iba pang kagamitan sa pamamagitan ng 1:49 diluted household bleach at banlawan/punasan ng malinis na tubig pagkatapos;
  • huwag munang papasukin sa paaralan ang mga batang may lagnat o pamamantal;
  • iwasang pumunta sa mga matataong lugar.

Samantala, isang 74-gulang na lalaki naman ang namatay sanhi ng necrotising fasciitis o flesh-eating disease noong ika-8 ng Hulyo.

Ang necrotising fasciitis ay isang malalang bacterial infection na sumisira ng soft tissue at fascia. Maari itong makamatay sa loob lamang ng 12 hanggang 24 oras matapos maimpeksiyon.

Pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na sundin ang mga sumusunod na hakbang upang makaiwas sa impeksiyon:

  • Iwasang malubog ang mga sugat sa tubig dagat;
  • Linisin at takpan ang mga sugat;
  • Magsuot ng gwantes na gawa sa goma kapag humahawak ng hilaw na shellfish.

Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin lamang ang Web site ng Centre for Health Protection sa www.chp.gov.hk.

 

 
Copyright (C) Consulate General of the Philippines

6/F United Ctr, 95 Queensway, Admiralty, H.K.       Tel : 2823-8500 / 2823-8501     Fax :  2866-9885 / 2866-8559